Uber driver, nag-post sa Facebook ng pasaherong nakaiwan ng cellphone

ABS-CBN News

Posted at Mar 04 2018 03:47 PM

Social media ang naging daan para maisauli ng isang transport network vehicle service (TNVS) driver ang naiwang cellphone ng kaniyang pasahero.

Nitong Marso 1, naiwan ni Pollie Palarca ang kaniyang cellphone sa sinakyang Uber vehicle.

Ayon sa anak ni Pollie, hindi pa malalaman ng kaniyang ama na naiwan pala nito ang cellphone kung hindi pa nag-post ang TNVS driver na si Rey Terana.

 

Sa post ng driver sa Facebook account ni Palarca, nag-sorry siya dahil kinailangan niyang buksan ang account ni Palarca.

Ipinaalam niyang naiwan ni Palarca ang cellphone sa sasakyan at hindi ito napansin ni Terana hanggang sa magkaroon siya ng kasunod na pasahero.

Dahil hindi alam ni Terana kung paano makikipag-ugnayan sa pasahero, minabuti niyang mag-post sa Facebook ni Palarca.

Inilagay rin ni Terana sa post ang kaniyang personal na mobile phone number.

Kuwento ni Maje Palarca, anak ng nakaiwan ng cellphone, kinabukasan ay nakuha ng kaniyang ama ang naiwang cellphone mula sa operator ng minamanehong sasakyan ni Terana.

Labis din ang pagpapasalamat ni Palarca sa pagiging matapat at kabutihang ipinakita ni Terana.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.