Travel ban sa South Korea binawi maliban sa isang lalawigan

ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2020 03:48 PM | Updated as of Mar 03 2020 07:46 PM

Nakasuot ng protective gear ang mga sundalo sa South Korea habang nililinis ang kalsada sa tapat ng city hall ng lungsod ng Daegu, isa sa mga pinakamatinding tinamaan ng novel coronavirus sa nasabing East Asian nation, March 2, 2020. Kim Kyung-Hoon, Reuters

(UPDATE) Puwede na ulit bumiyahe ang mga turistang Pilipino sa South Korea maliban sa lalawigan ng North Gyeongsang, sabi ng Malacañang ngayong Martes, halos isang linggo mula nang ibaba ang travel ban sa nasabing bansa dahil sa banta ng novel coronavirus.

Pero ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, kailangan munang lumagda ng mga Pilipino sa isang declaration na nagsasaad na alam at nauunawaan nila ang peligrong kaakibat ng pagpunta sa South Korea, na nakapagtala ng pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa labas ng China, ang pinagmulan ng sakit.

Bibigyan din ang mga biyaherong Pinoy ng health advisory pamphlet bago umalis ng bansa, sabi ni Panelo sa pahayag.

Bawal pa rin ang pagpasok sa bansa ng mga banyaga galing North Gyeongsang province at sa kalapit nitong lungsod ng Daegu, ayon kay Panelo.

Ibinaba noong Miyerkoles ng nakaraang linggo ang travel ban bilang pag-iingat sa pagkalat ng COVID-19. 

Sa ulat ng Korea Centers for Disease Control and Prevention ngayong Martes, nakapagtala na ang South Korea ng 4,812 kaso ng COVID-19 at halos 90 porsiyento rito ay galing Daegu at North Gyeongsang.

Bukod sa mga piling lugar sa South Korea, may umiiral ding travel ban ang Pilipinas sa China, Hong Kong, at Macau.

Watch more in iWant or TFC.tv

PAGPAPAUWI NG MGA PINOY SA MACAU

Inihahanda na rin ng Department of Foreign Affairs ang pagpapauwi sa mga Pilipino na nasa Macau, ayon kay Panelo.

Nasa 148 Pinoy sa Macau ang balak umanong pabalikin ng bansa sa pamamagitan ng isang chartered flight.

Papauwiin din ng Overseas Workers Welfare Administration ang 48 aktibong miyembro nito sa pamamagitan naman ng isang commercial flight, ani Panelo.

PAGKALAT NG COVID-19 PAGHANDAAN

Ayon naman sa kinatawan ng World Health Organization (WHO) sa Pilipinas, dapat paghandaan ng bansa ang posibilidad ng pagkalat ng COVID-19, na posible raw mangyari at magsimula sa kahit saang lugar sa bansa.

“Community-wide transmission may happen in any city,” sabi ngayong Martes ni WHO country representative Rabindra Abeyasinghe.

“If you look at the experiences of Korea, Italy, or Iran, they did not start in the capital,” ani Abeyasinghe.

“So when you are preparing for community wide transmission it means you need to prepare your whole health system, your whole of government actually because you wouldn’t know where the transmission will start,” dagdag niya.

Sa ngayon, wala pang naitatalang kaso ng local transmission ng COVID-19.

Tatlo pa lang ang naitatalang positibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. Pawang mga taga-China ang mga pasyenteng nakitaan ng sakit.

Disyembre ng nakaraang taon nang unang maiulat ang virus, na sinasabing nagmula sa isang seafood market sa Wuhan city, China na nagbebenta ng wild animals.

-- Ulat nina Pia Gutierrez, Kristine Sabillo, at Raphael Bosano, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.