Suspek sa panghahalay ng bata, sugatan ng tumalon sa bintana habang tumatakas

ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2020 08:27 PM

Dinala sa pagamutan ang detainee na nahulog matapos magtangkang tumakas mula Hall of Justice building sa Zamboanga City. RJ Rosalado, ABS-CBN News

Sugatan ang isang 45-anyos na lalaking detainee matapos na mahulog sa pagtangkang pagtakas sa ikawalang palapag ng Hall of Justice building sa Zamboanga City, Martes ng umaga.

Ayon kay Police Master Sergeant Maricel Abduhalim, imbestigador ng kaso, dinala sa gusali si Raul Gamas para sa inquest proceedings sa kaso na rape.

Naaresto si Gamas Lunes ng gabi matapos umanong halayin ang isang tatlong taong gulang na babae sa Barangay Tugbungan.

Pero nagtangka umano itong tumakas nang humingi ng pahintulot na magpunta ng banyo para umihi.

Pagpasok sa palikuran ay agad itong dumeretso sa nakabukas na bintana papunta sa balkonahe.

Pero dahil sa higit 25 talampakan ang taas ng gusali kaya naglambitin pa sa balkonahe si Gamas ng halos tatlong minuto bago tuluyang mahulog.

Ayon kay Abduhalim, nakaposas naman ang mga kamay ni Gamas nang pumasok sa comfort room pero nagtaka siya kung paano niya ito natanggal sa pagtangkang tumakas.

Dinala muna sa ospital si Gamas para maipagamot pero itinuloy pa rin ang pagsampa ng kaso laban sa kaniya.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.