P500,000 pabuya ibibigay para mahuli ang namaril sa traffic enforcer sa CDO

ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2020 02:11 AM | Updated as of Mar 03 2020 02:12 AM

Magbibigay ng P500,000 ang lokal na pamahalaan sa Cagayan de Oro City sa makapagtuturo sa responsable sa pagbaril sa namatay sa isang traffic enforcer nitong Biyernes.

Kasama ang biktimang traffic enforcer na si Mark Langam IV, 26 anyos, na nagpatupad ng road clearing operations nang barilin siya ng armadong naka-motorsiklo.

Umaasa ang pamilya ni Langam na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay nito sa pamamagitan ng pagkahuli ng namaril. "Napakahirap na tanggapin ang nangyari, napakasakit," ani Rosemarie, nanay ni Langam.

Isang taon pa lang na traffic enforcer sa Roads and Traffic Administration (RTA) si Langam at patapos na sana ngayong buwan ang kanyang kontrata.

Umaasa ang lokal na pamahalaan na sa pamamagitan ng kalahating milyong piso na gantipala ay mapapabilis ang pagkakahuli sa responsable sa pagpatay.

"Hindi lamang ito para sa hustisya sa pagkamatay ng ating kasamahan, kundi hustisya rin sa pinapatupad na batas," sabi ni city administrator Teddy Sabuga-a.

Ang pinapatupad na road clearing operations nang nangyari ang krimen ay may kinalaman sa Department of Interior and Local Government order na tanggalin ang lahat ng road-side obstructions at hulihin ang mga pedicab, tricycle, at katulad na mga sasakyan na dumadaan sa national highway.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.