Dalagita, minolestiya umano ng tricycle driver

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2019 07:36 PM

Nakakulong na ang suspek na tricycle driver matapos na molestiyahin ang isang 14-anyos na estudyante sa Sarrat, Ilocos Norte. Dianne Dy, ABS-CBN News

SARRAT, Ilocos Norte – Arestado ang isang tricycle driver matapos na ireklamong ng pangmomolestiya ng dalagitang pasahero niya.

Pauwi na sa bahay ang 14-anyos na estudyante matapos ang kanilang klase at sumakay sa tricycle na minamaneho ng suspek noong Pebrero 28 ng hapon.

Ayon sa biktima, may kasama pa siyang isang matandang pasahero sa tricycle. 

“Nung mag-isa na lang natira itong biktima, nung makarating sila sa bandang sementeryo, sinabi ng suspek na may dadaanan sa semnteryo,” sabi ni Police Major Roldan Suitos.

Dagdag ni Suitos, biglang bumaba ang suspek at doon na minolestiya ang biktima.

Sa follow-up operation, nahuli ang suspek at nakuhanan pa ng kalibre .38 na baril.

Itinanggi naman ng suspek ang paratang sa kaniya at maging ang nakuhang baril.

"Previously, may dalawang kaso na ito ng pangmomolestiya," sabi ni Suitos.

Sa kabila ng trauma na idinulot sa biktima, desidido ang dalagita na pagbayarin ang suspek sa kaniyang ginawa.

"Na-trauma ako. Hindi ko maisaulo pag-aaral ko dahil sa nangyari. Kailangan niyang pagbayaran," sabi ng dalagita.

Naisampa na ang mga kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Acts of Lasciviousness, RA 10591 o illegal possession of firearms at RA 10446 o Comelec Gun Ban laban sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.