Franchise di ginagamit para hawakan sa leeg ang ABS-CBN: Cayetano

ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2020 05:54 PM | Updated as of Mar 02 2020 07:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinabulaanan ngayong Lunes ni House Speaker Alan Peter Cayetano na kaya naantala ang franchise renewal ng ABS-CBN ay para mahawakan sa leeg ng mga politiko ang kompanya.

“’Yong sinasabi namang iimpluwensiyahan sila (ABS-CBN), bakit? Wala namang eleksiyon eh... ibang usapan kung sasabihin namin sa inyo, ‘Hanggang eve ng eleksiyon, walang franchise ang ABS-CBN,’” ani Cayetano.

Tiniyak din ni Cayetano na hindi siya papayag na magamit ng sino man ang ABS-CBN News.

“I will do all I can [para] ma-prevent that anyone will take advantage of the situation and try to dictate or influence ‘yong news ng ABS-CBN,” aniya.

Ipinaliwanag ni Cayetano na kaya naantala ang pagtalakay ng Kamara sa franchise renewal ng ABS-CBN ay dahil sa mga bintang na may kinilingan ang kompanya sa nakaraang halalan.

Nauna nang sinabi ni ABS-CBN president at chief executive officer Carlo Katigbak sa isang pagdinig sa Senado na walang “political agenda” ang kompanya.

Ayon pa kay Cayetano, naantala ang pagtalakay dahil marami ring ibang nangyari na umagaw sa atensiyon ng Kamara gaya ng pagputok ng Bulkang Taal at pagkalat ng COVID-19.

Binitiwan ni Cayetano ang mga pahayag kasunod ng mga pangamba nina Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate at Albay 1st District Rep. Edcel Lagman na posibleng magamit ang franchise renewal para mahawakan sa leeg ang ABS-CBN.

Nangangamba rin sina Zarate at Lagman na baka abutin ng halalan 2022 ang pagtalakay sa prangkisa.

Pinuna rin ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza si Cayetano dahil sa paulit-ulit na pagkaantala sa pagtalakay ng franchise renewal.

Ilang buwan pagkaupo niya bilang pinuno ng mga mambabatas sa Kamara, sinabi ni Cayetano na bago mag-2020 ay sisimulan na ang pagtalakay sa bagong prangkisa ng ABS-CBN.

Pagdating ng Disyembre, sinabi niyang sa first quarter ng 2020 mangyayari ang talakayan.

Pero noong nakaraang buwan, muling naatras ang schedule ng pagtalakay sa bagong prangkisa. Posible raw sa Mayo na ito mangyari. -- May ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.