Failon Ngayon: Aberya sa online shopping, saan maaring ireklamo?

ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2019 11:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Iwas stress, iwas losyang. Ito ang hatid ng teknolohiya sa mga mamimili. Mula nga ng nauso ang online shopping, dito na bumaling si Kate Vistro ng Malolos, Bulacan.

At dahil nga in na in ito lalo na sa mga nanay, namuhunan dito ang dating sales agent na si Mommy Mildred. Mapa-damit, sapatos, beauty products, pagkain, at maging halaman, ino-offer niya sa kaniyang home-based na negosyo.

Ayon sa Statista, isang statistics web portal, higit 37 milyon online shoppers na mga Pinoy ang naitala noong isang taon, at inaasahang tataas pa ang bilang na ito. Pero aminado sila na dahil bago at nagbabago-bago pa ang online business ay sumusulpot na rin ang iba’t ibang reklamo.

Isa pang panganib dito ay ang kawalan ng resibo ng ilang online sellers lalo na kung maliit lamang at personal ang negosyo. 

Minsan na ngang nakonsumi si Kate nang mali at fake pa ang item na kaniyang natanggap mula sa isang online seller. Agad daw nagreklamo si Kate sa online selling platform na pinagbebentahan ng nasabing negosyante. Binlock na raw ng kompanya ang inireklamong seller.

Pero hindi lamang daw mga konsumer ang nagkaka-problema dahil maging ang mga online sellers, nakakatagpo din ng mga pasaway na buyers. 

Sa datos ng Department of Trade and Industry (DTI), mahigit 1,000 reklamo ang natanggap ng ahensya noong nakaraang taon kaugnay ng online selling. Aminado ang DTI na hirap silang solusyonan ang mga reklamo lalo na’t wala pang batas o regulasyon na sumasaklaw dito.

Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo: “So far, wala pang batas so ang DTI lang muna ang tumatanggap sa lahat ng mga reklamo, nahihirapan 'yung Fair Trade Enforcement Bureau kasi hindi natin alam kung saan sila hahagilapin." 

"'Yung seller na 'yun o 'yung kompanya na 'yun, kung hindi siya rehistrado at walang maibigay na detalye sa'tin 'yung complainant, makikipag-ugnayan tayo sa ibang opisina para matulungan tayo na mahanap 'yung tao. Although we have also made engagements with the United States Federal Commission, para pagka seller naman abroad na nabibikitima ang Filipino consumer, sila naman ang tumutulong sa'tin para mahanap 'yung online seller na 'yun.”

Marami na ngang nagsulputan na negosyo online. Pero kahit matagal-tagal na rin itong patok, wala pa raw batas o regulasyon na nakatutok mismo sa pangangailangan ng online sellers at customers. 

Ang tanong tuloy ngayon: sa oras na maloko rito, ano ang mga karapatan mo? Saan ka tatakbo?

Sa ngayon, ang Consumer Welfare Act lamang ang nangangalaga sa interes at karapatan ng mga konsumer. Pero ayon sa isang consumer rights group na United Filipino Consumer and Commuters, hindi sapat ang batas na ito. 

Paliwanag dito ni Castelo, tinitingnan ang maaaring papel ng Department of Information and Communications Technology (DICT) dahil mga online transaction ang pinaguusapan. 

Ayon naman kay DICT Secretary Eliseo Rio Jr.: “We will come in if there were fraud involved. Pero kung legitimate naman 'yung business concern, 'yung DTI may consumer protection agency 'yan. So dun muna.”

Umaasa naman sina Kate at Mommy Mildred na mapangalagaan sila bilang negosyante at konsyumer.
____

Abangan ang mga isyung lahat tayo may pakialam sa FAILON NGAYON tuwing Sabado pagkatapos ng I Can See Your Voice
11:00 ng gabi sa ABS-CBN! 

Mapapanood ang replay ng FAILON NGAYON sa ANC tuwing Linggo, alas 2:00 ng hapon. 

Mag-komento at ipahayag ang inyong saloobin sa aming official Facebook pages, https://www.facebook.com/failon.ngayon.fanpage.
 
I-follow din ang Failon Ngayon sa aming official Twitter account sa https://www.twitter.com/Failon_Ngayon o @Failon_Ngayon at gamitin ang hashtag na #FailonNgayon.

Maaari ding mapanood ang ibang segments at episodes ng Failon Ngayon sa Youtube at iWant! Bisitahin lamang ang www.youtube.com/abscbnnews at ang www.iwant.ph