Tricycle driver na naningil ng P550, may sakit daw ang anak

ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2019 08:33 PM | Updated as of Mar 01 2019 10:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado sa Pasay City ngayong Biyernes ang drayber na tampok sa isang viral video na naniningil umano nang sobra-sobrang pasahe sa kaniyang pasahero.

Sa video na ibinahagi sa social media ni Kristopher Magpantay, mapapanood ang pakikipagtalo niya sa nasakyan nilang tricycle driver ng kaniyang mga kasama nang maningil ito ng P550 matapos magpahatid malapit sa Mall of Asia sa Pasay galing Vito Cruz sa Maynila. 

Kinilala ang drayber bilang si Jess Addongay, na aminado sa kaniyang ginawa. Pero giit niya na nagawa lang niya umano iyon para makabili ng gamot at gatas para sa kaniyang sanggol na anak. 

Nanghiram din daw si Addongay, na pedicab driver, ng traysikel dahil matumal ang kaniyang kita noon. 

“Noong araw na 'yun, sir, mahina po ang biyahe ng pedicab, humiram ako sa kaibigan ko para pambili ng gatas atsaka may sakit po ang anak ko, sir. Pambili ng para sa sipon at lagnat,” ani Addongay. 

Humingi na rin ng patawad si Addongay sa kaniyang ginawa. 

Napag-alaman umano ng mga awtoridad na pedicab driver ang lalaki at nanghiram lamang ng traysikel nang mangyari ang krimen. 

Nagpasya ang pasahero na huwag nang magsampa ng pormal na reklamo at binalaan na lang ng mga awtoridad si Addongay. 

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.