Live-in partner ng drug lord, nakunan ng mga baril at granada

Leleth Ann Rumaguera, ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2019 04:25 PM

Itinanggi ng live-in partner ni self-confessed drug lord Franz Sabalones na sa kaniya ang mga nasamsam na baril at granada. Leleth Ann Rumaguera, ABS-CBN News


MINGLANILLA, Cebu – Nasamsam sa loob ng bahay ng live-in partner ng self-confessed drug lord na si Franz Sabalones ang mga baril at granada nang maghain ang awtoridad ng search warrant, Biyernes ng umaga.

Subject sa warrant si Sabalones dahil sa mga ‘di lisensiyadong baril.

Isang KG-9 submachine gun, M4 rifle, kalibre .45 na baril, mga bala at granada ang narekober sa ibabaw ng cabinet sa ikalawang palapag ng bahay nito. 

Itinanggi naman ng babae na kaniya ang mga nakuhang baril. 

Ayon sa hepe ng Provincial Drug Enforcement Unit 7, Police Lt. Col. Alejandro Batobalonos, kumpirmadong bumibisita pa rin si Sabalones sa bahay pero tuwing madaling araw na. 

Pero pinabulaanan ito ng kaniyang live-in partner. Ayon sa kaniya, 6 na taon na silang hindi nag-uusap ni Sabalones. Kumbinsido ang mga pulis na si Sabalones pa rin ang nagbibigay sustento sa dalawa nilang anak. 

Dagdag ng pulisya na magagamit nila ang testimoniya ng babae sa paghahanap kay Sabalones. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.