'Laging busy': 8888 complaint hotline inulan ng reklamo

ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2019 09:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dumadami ang dismayado sa citizen's complaint hotline na 8888 dahil umano sa palpak nitong serbisyo.

Pati si Pangulong Rodrigo Duterte, hindi napigilan na maglabas ng hinaing sa kompanyang PLDT na siyang nagpapatakbo sa hotline. Pinagbantaan pa niyang isasara ang kompanya kapag hindi naisaayos ang complaint hotline.

Ang tinderong si Fred Mangaya, makailang beses tumawag sa hotline pero ni minsan ay hindi nasagot ng operator. Kadalasan din daw, busy ang mga linya.

May gusto sana siyang ireklamo pero halos mapudpod na ang kaniyang kamay ay wala pa rin siyang nakausap na operator.

"Hindi naman ma-contact, busy eh, ilang beses akong nag-dial wala namang sumasagot... Hindi ko na tinray ulit kasi masasasayang lang oras," hinaing niya.

Agosto 2016 pa nang ilunsad ang citizen's complaint hotline na 8888, na puwedeng tawagan kapag may reklamo sa serbisyong ibinibigay ng mga ahensiya at mga tiwaling opisyal ng gobyerno.

Aminado naman ang Malacañang na hanggang ngayon ay inaayos pa nila ang sistema sa hotline ng 8888.

"Sa ngayon kasi the 8888 can receive simultaneous calls kaya minsan hindi na-accommodate ang mga concerns... As of the moment, we have added 20 more lines and will add call center agents," sabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea.

Pinag-aaralan din daw na gamiting ang 8888 sa text complaints.

—Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.