Ilang magulang, guro pabor sa pag-veto ng 'anti-palo bill'

ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2019 09:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ikinatuwa ng ilang mga magulang at guro ang kamakailang pagbasura o pag-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panukalang batas na nagbabawal sa mga magulang na parusahan, saktan, paluin, sigawan, o pahiyain ang mga bata kapag nagkasala.

Ang guro na si Cristina Ramos, umaasang babalik ang disiplina ng mga bata sa pagbasura ni Duterte sa panukala.

Aniya, mas hirap daw silang magdisiplina ng mga bata kumpara noon.

"Bawal na silang sawayin na 'yung may punishment ba. Wala nang 'po' at 'opo,' ganoon, tapos tatakbuhan ka na," pahayag ni Ramos, na 15 taon nang nagtuturo.

Kuwento naman ng Grade 5 teacher na si Wendelyn Mamalias, may mga pagkakataong hindi nila masuway ang kaniyang mga estudyante.

"Mayroon nagkaklase ako, bigla na lang may nagsuntukang estudyante... hindi maawat," aniya.

"Mayroon namang habang nagtuturo ka, nakahawak lahat sa cellphone. Kahit anong saway mo ayaw tumigil ng daldalan. Pinag-u-usapan nila mga boyfriend nila," dagdag niya.

Ikinatuwa rin ng ilang magulang gaya ni Janet Mocorro ang naging desisyon ng gobyerno rito.

"Kasi ako namamalo rin ng anak 'pag malaki kasalanan. Pero mahina lang kasi ayokong nasasaktan ang anak ko," aniya.

Pero buwelta ng University of the Philippines Psychology professor na si Jay Yacat, nagiging bayolente ang bata paglaki nito kung madalas siyang saktan. Kung mabuti naman ang trato sa bata ay lumalaki raw itong may kumpiyansa.

"Walang pag-aaral na nagpapakita na may positive na naidudulot ang corporal punishment sa mga bata. 'Yung ilan sa mga negatibong epekto nito, 'yung ilan imbes na sumusunod nagrerebelde. May iba nakitaan nila eventually may correlation sa mga mental health problems," ani Yacat.

Ayon kay Sen. Nancy Binay, na isa sa may-akda ng batas, determinado siyang maghain muli ng nasabing panukala bilang proteksiyon sa mga bata.

May ganito ring panukala ang mga senador na sina Leila De Lima, Risa Hontiveros, at Grace Poe.

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.