Traffic enforcer patay sa pamamaril sa Cagayan de Oro

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Feb 29 2020 08:02 PM

Patay ang isang traffic enforcer matapos siya pagbabarilin ng di pa kilalang suspek sa Barangay Puerto sa Cagayan de Oro Biyernes ng gabi. Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News


CAGAYAN DE ORO—Patay ang isang traffic enforcer matapos siya pagbabarilin ng di pa kilalang suspek sa Barangay Puerto sa lungsod na ito Biyernes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Mark Langam IV ng roads and traffic administration (RTA) ng lungsod.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naglalakad sa tabi ng highway ang biktima kasama ang isa pang traffic enforcer nang biglang siyang barilin.

Mabilis na tumakas ang gunman lulan ng motorsiklo.

Sa ospital na binawian ng buhay ang biktima na nagtamo ng dalawang tama ng bala sa tagiliran, ayon sa imbestigasyon.

Narekober ng pulisya ang dalawang basyo at isang slug ng kalibre .45 na baril.

Ayon sa isang katrabaho ni Langam, kabilang ang biktima sa composite road clearing team na nagsagawa ng operasyon malapit sa pinangyarihan ng krimen.

Hinala ng RTA assistant head na si Nonito Oclarit posibleng may kinalaman sa trabaho ang pagpaslang sa biktima.

Tinutugis na ng mga awtoridad ang salarin sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.