Unang kaso ng ASF sa Batangas, naitala sa bayan ng Laurel

Jonathan Vega Magistrado, ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2020 05:35 PM

Nakapasok na sa Batangas ang African swine fever (ASF), ayon sa Batangas Provincial Veterinary Office nitong Biyernes, Peb. 28, 2020. Naitala ang unang kaso sa Batangas sa bayan ng Laurel. Jonathan Vega Magistrado, ABS-CBN News

LAUREL, Batangas—Nakapasok na sa Batangas ang African swine fever (ASF), kinumpirma ng Batangas Provincial Veterinary Office nitong Biyernes.

Sa panayam sa telepono kay Romeo Marasigan, provincial veterinarian ng Batangas, sinabi niyang naitala ang unang kaso ng ASF sa Barangay Molinete sa bayan na ito.

Nag-iimbestiga na umano ang provincial vet kung paano nakapasok ang ASF sa lugar, na apektado rin ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Kahit kasi ilang linggo din na i-lockdown ang Laurel dahil sa Taal eruption noong Enero, nanatili umano ang mahigpit na pagbabantay ng provincial vet sa kanilng mga inspection at disinfection points, sa buong lalawigan katuwang ang mga lokal na pamahalaan (LGU) ng Batangas at Department of Agriculture (DA).

Naglabas din noong isang buwan ng memorandum ang provincial vet na nakikiusap sa mga nagsasagawa ng relief operations na iwasan ang pamamahagi sa feeding program ng mga pagkaing may halong karneng baboy.

Sa tanong kung posibleng sa mga canned goods na kasama sa relief goods na may processed pork meat nagmula ang kaso ng ASF sa Laurel, tumanggi muna si Marasigan na magbigay ng komento tungkol dito at sinabing hintayin na lamang ang opisyal na pahayag na kanilang ilalabas matapos ang pagpupulong ngayong umaga kasama ang Laurel-LGU.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.