Nauusong pustahan sa 'karera ng tao' sa Tondo, minamanmanan ng pulisya

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2020 06:02 AM | Updated as of Feb 29 2020 09:24 PM

Ilang gabi nang narerespondehan ng mga pulis ang mga ulat ng pagdagsa ng mga tao sa ilang kalsada sa Tondo, Maynila para sumama sa tinatawag na “karera ng tao.” 

Batay sa mga video ng mga nadadatnan o kasama rito, dalawang lalaking runner na nakayapak ang nagpapaunahan sa pagtakbo sa maiksing lugar pero kadalasan sa mga main road gaya ng Jose Abad Santos at Juan Luna Street ito dinadaos. 

Ayon kay Police Capt. Joseph Jimenez, commander ng Tayuman Police, ginagawa ding sugal ang mga karerang ito na kadalasan sa social media ang pag-uusap at tayaan. 

Nagiging perwisyo rin ito sa daloy ng trapiko gaya ng eksenang nakunan ng CCTV sa Abad Santos noong isang gabi kung saan harang na ng mga tao ang kalsada mula kanto ng Batangas hanggang Antipolo dahil sa pagtakbo. 

Possible pang maging panganib ito sa tao dahil dinadaanan ng mga malalaking truck tuwing gabi ang mga nasabing lugar.

Isang halimbawa, may natitiyempuhan ang mga awtoridad ng mga kumpol ng mga tao sa Moriones Street at maging sa Road 10. Marami pa sa mga ito ay hindi taga-roon. 

Hanggang pagpapaalis sa mga tao lang ang magagawa ng mga pulis dahil nakakaharang sila sa isang pangunahing kalsada. Wala kasing kaso ng pagsugal kung hindi madadatnan ng mga pulis ang mismong abutan ng pera. 

Paalala ng mga awtoridad sa publiko na huwag tangkilikin ang anumang uri ng sugal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.