'Most-wanted' ng Imus City dahil sa illegal recruitment arestado

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2020 05:53 PM

MAYNILA — Arestado ang isang itinuturing na big-time illegal recruiter na most wanted umano sa Imus City, Cavite.

Matapos ang higit isang buwan na paghahanap, natunton ng mga pulis ang umano’y illegal recruiter na si May Mickelyn Lacap sa isang subdibisyon sa Imus. Sinubukan pa nitong tumakas pero nahuli rin. 

Number 1 most wanted person ng Imus ang suspek at may mga warrant of arrest mula sa iba’t ibang korte sa Maynila dahil sa mga kasong estafa at paglabag sa Migrant Workers and Overseas Filipino Act of 1995.

Pinangakuan umano niya ang mga biktima na makapagtrabaho bilang cleaner sa Dubai. Malaking halaga na ang perang naibayad umano ng mga biktima sa suspek pero wala namang nakapag-abroad.

Todo-tanggi naman ang suspek. Itinuro niya ang kaniyang boss na may kasalanan.

Nakakulong na ang suspek sa Imus City Police Station pero nakatakda siyang ilipat sa Maynila kung saan nakasampa ang mga kaso.

—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.