Mabagal na usad ng ABS-CBN franchise bills ipinagtataka ng ilang mambabatas

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2020 07:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nagtataka ang ilang kongresista kung bakit hindi pa rin umuusad sa Kamara ang mga panukala para sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN gayong wala naman na daw kasing masyadong inaatupag ang Kongreso ngayon.
    
Hindi maintindihan ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza kung bakit napag-iwanan na ang Kamara sa ABS-CBN franchise bills.
    
Tanong niya, bakit nakatengga pa rin ang prangkisa kahit buhos na ang pabor sa ABS-CBN matapos tanggapin ni Pangulo Rodrigo Dutere ang paumanhin ng kompanya?

"Even the President called our attention already... Even [Davao City] Mayor [Sara Duterte-Carpio] has already spoken and everybody practically in the country, all sectors have spoken."

Pinanindigan ni House Speaker Alan Peter Cayetano na malamang ay sa Mayo na ang hearing dahil may iba pang prayoridad ang Kamara.

Pero puna ni Atienza, malapit na ang mahabang bakasyon ng Kongreso.

"Wala nga kaming ginagawa ngayon eh. Kung mag-session kami sandali na lang dahil there is no urgent matter to take up, we are ready to take a long vacation," ani Atienza.
    
Una nang sinabi ni Albay Rep. Edcel Lagman na tapos na ng Kamara ang priority bills ng Pangulo at wala namang bagong priority mula sa Legislative Executive Development Advisory Council.

Magpupulong ang House leadership at Committee on Legislative Franchises sa susunod na linggo para sa susunod na gagawin.

Sa nakaraang Kongreso, mahigit isang buwan lang sa komite ang prangkisa ng TV5 bago nadala sa plenaryo. Buwan lang din ang binilang bago ito naaprubahan ng Kamara at Senado at napadala sa Pangulo.

Buwan lang din ang binilang sa Kamara at Senado ng prangkisa ng GMA network bago napirmahan ni Duterte.
 
Halos 2 taon naman bago naging batas ang prangkisa ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines.
    
Samantalang ang ABS-CBN, 2014 pa unang nag-apply ng bagong prangkisa.

Nasa 18 prangkisa na ang pinalusot ng komite ngayong 18th Congress.
    
Ayon kay Atienza, kung gugustuhin ay kayang ipasa ang prangkisa kahit isang araw lang.

Hindi bababa sa 11 panukala ukol sa ABS-CBN franchise ang nakatiwangwang ngayon sa Kamara.

—Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.