Buwayang naispatan sa ilalim ng sasakyan, ikinabahala ng mga residente

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2020 04:46 PM | Updated as of Feb 28 2020 05:32 PM

Nababahala ang mga residente sa Barangay Punta Baja sa bayan ng Rizal sa Palawan na baka bumalik ang buwaya at makapinsala na ito sa mga tao. Larawan mula kay Iven Ray Saibodin

Agaw-pansin ngayon sa social media ang post na mga larawan ng isang buwayang nasa ilalim ng isang sasakyan sa Barangay Punta Baja sa bayan ng Rizal sa Palawan.

Ayon kay Nomema Saibodin na nakatira sa lugar at may-ari ng sasakyan, nagulat sila sa pagtahol ng kanilang alagang aso. Pero mas ikinabigla umano nila nang mamataan ang buwaya na tila nagpapahinga sa ilalim ng kaniyang sasakyan.

“Gulat talaga kami kasi hindi talaga namin inaasahan na mayroong buwaya na aakyat. Kasi medyo matagal na rin kami dito sa tabi (tabing-dagat). Almost nasa 10 years na kami nakatira dito, wala namang may umakyat na buwaya,” sabi ni Saibodin.

Mahigit dalawang oras din umanong nanatili sa ilalim ng sasakyan ang buwaya.

Nai-post ng isang Jerry Calamba Sr. sa social media ang larawan ng buwaya. 

Sa video naman na kuha ng anak ni Saibodin, sinundan nila ang bakas na dinaanan ng buwaya bago ito tuluyang nawala at pumailalim sa dagat.

Noong Pebrero 6, nakakita na rin umano sila ng bakas ng buwaya malapit sa kanilang bahay na hinalang dahilan din ng pagkawala ng ilang alagang pato.

Pangamba lang nila na baka muli itong bumalik at makapaminsala pa sa ibang hayop o mismong mga tao.

“Nababahala po talaga dahil siyempre hindi namin sukat akalain na dito sa tabing-dagat may aakyat na buwaya. Baka mamaya tao na 'yung pinsalain,” sabi niya.

Maging ang kaniyang apo ay takot nang maligo sa dagat dahil sa nakitang buwaya.

Hiling lang ng pamilya na sana ay mabisita ang kanilang lugar ng Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC) at ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD).

“Sana mahuli 'yun. Dahil nga siyempre bawal naman kung sasaktan namin o mapatay namin. O baka kami-kami lang baka manlaban naman ang buwaya kaya nagtawag ako, nag-report kami kaagad kasi gusto ko sana mahuli 'yun kasi nakakatakot talaga,” dagdag niya.

Ayon sa PCSD, may mga pag-aaral na umano sa mga ganitong kaso ng mga buwayang naliligaw mula sa kanilang natural habitat.

Hinihintay pa rin nila ang report para maikasa ang paghuli sa buwaya at ibalik ito sa kaniyang tirahan.

“Maraming possibilities. Baka naligaw ang buwaya…naligaw at naghahanap ng pagkain o naligaw during 'yung transfer niya from one habitat to another. So, basically ang ginagawa natin diyan is ika-capture ang buwaya tapos ibabalik siya sa natural habitat niya,” paliwanag ni Forester Jovic Fabello, tagapagsalita ng PCSD.

Maliban sa bayan ng Balabac at Bataraza, isa rin ang Rizal sa may mga kaso ng human and crocodile conflict gaya na lamang sa Barangay Canipaan kaya ninanais rin nilang matuloy na ang pagdedeklara ditong crocodile sanctuary.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.