P50 naging P550: Tricycle driver na 'nanloko' sa pasahero tinutugis

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2019 09:36 PM | Updated as of Feb 28 2019 10:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaghahanap ngayon ang isang tricycle driver sa may Maynila at Pasay City na tampok sa isang viral video na naniningil umano ng sobra-sobra sa kaniyang pasahero.

Sa video na ibinahagi sa social media ni Kristopher Magpantay noong hapon ng Linggo, mapapanood ang pakikipagtalo niya sa nasakyan nilang tricycle driver ng kaniyang mga kasama.

Ayon kay Magpantay, pilit silang sinisingil ng driver ng P550 matapos magpahatid malapit sa Mall of Asia sa Pasay galing Vito Cruz sa Maynila.

"Tinanong po namin siya sabi niya P50 daw... P550 daw po 'yon," sabi ni Magpantay.

Nagulat daw sina Magpantay dahil P50 lang ang kanilang napag-usapang ibabayad.

Napilitang magbayad sina Magpantay dahil natakot sa driver. Hindi rin sila nakapagsumbong sa mga awtoridad.

Nang pumunta ang ABS-CBN News sa Vito Cruz, sinabi ng mga tricycle driver doon na hindi nila kasamahan ang lalaking nasa video.

"Hindi talaga siya ano rito, member sa mga kasama namin na namamasada," anang tricycle driver na si Jordan Moreno.

Bukod sa walang biyahe sa ginawang ruta ng driver, kolorum din ang tricycle na ginamit, ayon kay Ace Sevilla, supervisor ng Pasay City Tricycle-Pedicab Franchising and Regulatory Office.

Iniimbestigahan na rin kung tagasaan talaga ang driver, ani Sevilla.

Nanawagan naman si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Major General Guillermo Eleazar sa publiko na agad i-report sa kanila ang mga kaparehong insidente para maaksiyunan.

"Maliwanag na isang modus 'yan ng driver na 'yan at naniniwala din tayo na maaaring ginagawa ng iba 'yan so dapat lamang talaga na mag-report sila sa atin sa pulis," ani Eleazar.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.