Kapatid ng 'torture cop' timbog sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2019 06:32 PM | Updated as of Feb 28 2019 08:45 PM

Naaresto ngayong Huwebes ang kapatid ng dating pulis-Maynila na dawit sa kaso ng pag-torture o pagpapahirap sa isang preso noong 2010.

Dinampot ng NBI Special Action Unit sa Tondo, Maynila nitong umaga ng Huwebes si dating Police Officer 1 Nonito Binayug, kapatid ni dating Senior Inspector Joselito Binayug.

Naaresto noong 2013 si Joselito dahil sa umano ay pag-torture noong 2010 sa preso sa loob ng Manila Police District Station 2, kung saan nagsilbi siyang hepe. Nahaharap ang magkapatid sa paglabag sa Anti-Torture Act.

Mismong mga opisyal sa Tondo ang nagsumbong na malayang nakakikilos si Binayug sa Tondo gayong may arrest warrant na nakahain laban sa kaniya, ani NBI Special Action Unit chief Emeterio Dongallo.

Pero ayon kay Nonito, bagaman pareho silang nasa Manila Police noong mga panahong iyon, wala siyang kinalaman sa kaso ng kapatid.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.