ALAMIN: Paano i-request online ang kopya ng birth certificate?

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2019 04:25 PM | Updated as of Feb 28 2019 04:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Suliranin noon para sa ilan ang pagpila pa sa opisina ng Philippine Statistics Authority nang ilang oras para makuha ang birth, death, o marriage certificate. 

Sa bisa ng "Serbilis" website ng PSA, maaari nang i-request online ang kopya ng birth, death, o marriage certificate, at maaari itong i-deliver sa address kung saan ito nais ipadala ng magre-request. 

Ayon kay PSA Civil Registrar General Lisa Grace Bersales, makakatulong ito lalo sa mga OFW na nais makuha ang kanilang mga certificate nang hindi na kinakailangang bumalik sa bansa. Naging bisita si Bersales sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM TeleRadyo Miyerkoles ng gabi. 

"We extended our channels of accessing our civil registrar documents for people outside of the country to request for birth certificate," ani Bersales. 

Ang singil sa kada request ng birth, death, at marriage certificate ay nasa $20.30 kada kopya. Samantala, $25.30 kada kopya ang certificate of no marriage (CENOMAR).

Sa Pilipinas, nasa P330 kada kopya ng birth, death, o marriage certificate. Samantala, P430 ang kada kopya ng CENOMAR. 

Paliwanag ni Bersales na mas mahirap hanapin ang CENOMAR sa kanilang mga archive kaya mas mahal ang kanilang singil dito. 

Ayon sa website, maaaring bayaran ng publiko sa bangko o kaya sa sa mga remittance centers ang kanilang request. Ide-deliver sa address ng user ang hiling na certificate. 

Ang mga interesado ay maaaring mag-apply online.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.