Bilang ng traffic enforcers ng MMDA, kumonti dahil sa katiwalian

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2018 07:39 PM | Updated as of Dec 19 2019 01:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bumaba ang bilang ng mga traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos sibakin o magbitiw sa puwesto ang higit 800 dahil sa katiwalian.

Nasa 2,185 na lang ang natitirang enforcers ng MMDA matapos mawala ang 30 porsiyento sa kabuuang bilang na 3,000.

Sa huling tala ng MMDA, 842 sa 3,000 enforcers ang napatunayang nangongotong. 

"Mayroong complaints at nahuhuli nating aktuwal iyong mga nangongotong. Sa mga non-contact policy kapag nire-review iyong mga CCTV natin, may nakikita tayo doon," ani Roy Taguinod, direktor ng MMDA Traffic Enforcement. 

Ayon kay Taguinod, sa mga susunod na araw ay isasabak na nila ang 300 bagong enforcers na dumaan sa pagsasanay bilang kapalit ng mga tiwali.

Pero sabi naman ni Bong Nebrija, pinuno ng MMDA Task Force Special Operations Group, hindi naman lahat ng enforcer ay tiwali.

"Nandiyan na iyong thine-threaten kami, 'Magkakamatayan tayo, subukan niyo,' nandiyan din iyong naglalabas ng baril," kuwento ni Nebrija.

"May nakikipagmurahan sa amin, kino-confront kami with verbal abuse," ani Nebrija.

Walang dalang armas ang mga enforcer na sumasabak sa mga clearing operation.

Bagaman kadalasan ay sinasamahan ng mga pulis, may mga pagkakataong nanlalaban ang mga market vendor at iyong mga hinahatak ang sasakyan.

Nagagawang murahin at saktan umano ng ilan ang mga enforcer dahil maximum tolerance ang pinaiiral sa mga enforcer.

Mula Mayo 2017 hanggang Enero 2018, 43 ang nagtamo ng iba't ibang injury nang mapasabak sa mga galit na lumabag sa batas-trapiko.

Sa kabila nito, hinikayat ng MMDA ang mga interestado na mag-aplay bilang enforcer.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.