16 babaeng biktima ng human trafficking, nailigtas sa Makati

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2019 11:54 PM | Updated as of Feb 28 2019 07:23 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATED) - Nailigtas ng mga awtoridad mula sa prostitusyon ang 16 babae, kabilang ang 11 menor de edad, sa Makati Miyerkoles ng gabi.

Naaresto naman ang mga suspek na 2 Chinese at 2 Pilipino, kabilang ang isang 17 anyos na lalaki, na umano'y nagpapatakbo sa ilegal na gawain.

Sinalakay ng anti-human trafficking division ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang condominium unit sa Makati matapos makatanggap ng ulat na nagsisilbi umano itong safe house ng mga babae na ginagamit sa prostitusyon.

Ayon kay Janet Francisco, hepe ng nasabing division ng NBI, pino-post ang picture ng mga bikitma sa group chat sa social media para roon umano pagpilian ng mga kliyenteng Chinese na nakabase rito sa Metro Manila.

Doon sila ibu-book para makatagpo ang natipuhan nilang biktima.

Kuwento ng isang Pinoy na suspek, siya ang naghahanap ng mga babaeng puwedeng ma-recruit.

"That time wala po talaga akong trabaho," aniya.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang 2 Chinese na may-ari umano ng condominium unit.

Dadalhin sa kustodiya Department of Social Welfare and Development ang mga biktima. Mahaharap naman sa patong-patong na kaso ang mga hinuli.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.