Recruiter ni Demafelis, 'handang magbigay ng impormasyon'

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2018 08:58 PM | Updated as of Oct 17 2018 07:15 AM

Dalawang linggo nang nakaburol ang mga labi ni Joanna Demafelis, ang overseas Filipino worker (OFW) na pinatay at isinilid sa freezer sa Kuwait, ngunit hindi pa rin panatag ang loob ng kaniyang pamilya.

Para kasi sa ama ni Joanna na si Crisanto Demafelis, mas mabibigyang-linaw ang lahat sakaling lumutang na ang recruiter ng kaniyang anak. 

Kinilala nila ang recruiter na si Agnes Tuvalles, isa umano nilang kaanak na nakatira sa karatig-barangay.
    
"Noong 2013 umuwi [siya] dito, hindi ko alam na ni-recruit na pala si Joanna at umalis para sa Kuwait," ani Joejet Demafelis, kapatid ng biktima. 
 
Isa rin si Tuvalles sa mga pinangalanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nag-recruit umano sa biktima.

Humingi na ng tulong sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pamilya para matunton si Tuvalles.

Mga kaanak lang nito ang nasa bahay nila nang puntahan ng ABS-CBN News team.

"Wala siya dito, hindi ako sure kailan ang huli niyang uwi," ani Minda Canarejo, tiyahin ni Tuvalles.

Kuwento niya, nasa Maynila na raw ito at hindi niya maalala kung kailan huling umuwi sa Iloilo.

Ayon naman sa tiyuhin, hindi raw tatakas si Tuvalles at makikipagtulungan ito para mabigyang-linaw ang pagpunta ni Joanna sa Kuwait. 

"Hindi siya tatakas at tutulong siya sa pagbigay ng impormasyon," giit ni Ronnie Singson, tiyuhin ni Tuvalles.

Nakatanggap naman ng banta sa social media ang kapatid ni Joanna na si Jonathan. Duda ng pamilya, marahil dahil ito sa pinansiyal na tulong na natatanggap nila. 

    
"Papatayin daw ang kapatid ko na si Jonathan o ang ama namin," ani Joejet.
 
Samantala, naghihintay pa ng karagdagang detalye ang Department of Foreign Affairs (DFA) mula sa embahada sa Kuwait tungkol sa estado ng mga suspek sa pagpaslang kay Joanna. 

Si Joejet ang bibiyahe papuntang Kuwait sakaling magsimula na ang pagdinig sa kaso ni Joanna. --Ulat ni Regi Adosto, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.