Dengvaxia hearing: Noynoy, bumanat sa 'maingay'; PAO, sumalag

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2018 12:50 AM

•Dating Pangulong Aquino, tumirada sa ekspertong may mala-'diploma sa Recto'

•Dating Budget chief, nanindigan sa pondong ipinambili sa bakuna

•Kapatid ng PNP chief, nabakunahan din

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinalag ng Public Attorney's Office (PAO) ang tila mga pahaging ni dating Pangulong Benigno Simeon "Noynoy" Aquino III ukol sa pagsasarili ng PAO sa imbestigasyon sa Dengvaxia, gayundin ang umano'y kuwestiyonableng kuwalipikasyon ng isa sa mga "maingay."

Sa muling pagdalo kasi ni Aquino sa pagdinig ng joint House committees on health and good government and public accountability, humirit ang dating presidente na napasukan na aniya ng politika ang isyu ng bakuna kontra dengue.

Binasa rin ni Aquino ang inilabas na abiso ng isang grupo ng mga doktor at dalubhasa na nananawagan sa kanilang mga kasamahan na umiwas sa paggawa ng mga konklusyon base sa datos na di naman sapat.

"Sa lahat ng ingay, naobliga na tuloy ang mga dalubhasa gaya ng UP-PGH panel na ipaalalang ang dengue infection ay di mula sa Dengvaxia kundi sa kagat ng lamok," sabi ni Aquino. 

Pero giit ni PAO chief Persida Acosta, magkakaroon ng "conflict of interest" kung hahayaan niyang sumama ang UP-PGH panel sa imbestigasyon ng PAO ukol sa mga batang namatay matapos umanong mabakunahan ng Dengvaxia.

Aniya, ang pathologist ng UP ay "professional partner" ng isa pang doktor na consultant ng law firm na kumakatawan sa Sanofi Pasteur, ang manufacturer ng Dengvaxia.

"Kaya may conflict of interest dahil dinemanda na po ng PAO ang Sanofi,” ani Acosta.

Hindi rin makapagbigay sa Department of Health (DOH) ng tissue samples ng mga inimbestigahang labi ng mga bata ang PAO dahil idinedemanda na rin nila ang DOH.

Dagdag pa ni Acosta, isa pang conflict of interest para sa UP ang umano'y napipintong pagpapagawa ng isang gusali sa UP ng Zuellig Foundation.

Zuellig Pharma Corp. ang local distributor ng Dengvaxia sa bansa.

Itinanggi naman ng Malacañang na may kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa sinasabi ni Aquino na paghahalo ng politika sa isyu ng bakuna kontra dengue.

'RECTO DIPLOMA'

Tumirada rin si Aquino laban sa aniya'y isang nagkaroon ng sertipikasyon sa forensics na mataas lang nang kaunti ang antas sa "diploma sa Recto."

"Masakit po nito: Lahat na lang po may opinyon, kuwalipikado man o hindi, lalo na po 'yong isang maingay na ang certification ay tila isang antas lang ang lamang sa nabibiling diploma sa Recto," sabi ni Aquino. 

"May nagsiyasat sa certification niya, at nagsulat ng artikulo. Galing po ang certification ng maingay na ito sa kuwestiyonableng kurso kung saan manonood ka lang raw ng video ng isang oras kalahati, saka mag-exam na open book, at matapos mong magbayad ng 660 dollars ay certified ka na sa forensics.“

Naging bantog ang Claro M. Recto Avenue sa Maynila dahil sa bentahan ng pekeng diploma.

Walang binanggit na pangalan si Aquino kung sino ang naturang may sertipiko sa forensics.

Pero tila dumepensa rin si Acosta para sa forensics director ng PAO na si Dr. Erwin Erfe na aniya'y may track record at sapat na edukasyon.

“Si Dr. Erfe naman po, di nagsasabi na pathologist siya,“ ani Acosta.

Si Erfe ang nangunguna sa pagsisiyasat sa labi ng mga batang nasawi matapos umanong maturukan ng Dengvaxia.

Ayon kay Acosta, si Erfe ang pinuno ng PAO forensic laboratory mula 2004.

PAO din ang humawak sa noo'y kaso ng "Vizconde massacre" at ang umano'y extrajudicial killings sa bansa.

IPINAGTANGGOL ANG BAKUNA

Isa rin sa mga ipinunto ni Aquino ay ang pagnanais ng kaniyang administrasyon noon na tapusin o pigilan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue sa bansa.

"Ginawa namin ang lahat ng makakaya batay sa payo ng ating mga dalubhasa.... Sa pagtatapos ng ating termino, dumating ang isang kagamitang magdadala ng bago at dagdag na proteksiyon sa taumbayan," ani Aquino. 

Iginiit din ng dating presidente na di niya alam na masama ang bakuna para sa mga hindi pa nagkakaroon ng dengue.

Nanindigan din si dating Budget Secretary Florencio "Butch" Abad na may legal na basehan ang paggamit ng savings noon ng gobyerno mula sa miscellaneous personnel benefits fund para mapondohan ang pagbili ng Dengvaxia.

Muli ring nanawagan si dating Health Secretary Janette Garin sa publiko na kumalma at sa gitna ng isyu ng Dengvaxia.

Dapat daw magpatuloy lang ang imbestigasyon ukol dito at saka ipaalam sa taumbayan ang magiging resulta ng masinsinang pagsisiyasat.

Dating sinugod si Garin sa Kamara ng ilang magulang ng mga batang naturukan ng bakuna kontra dengue.

Pinaiimbestigahan na ng DOJ sina Aquino, Abad, at Garin ukol sa isyu ng Dengvaxia.

SERONEGATIVE

Kinumpirma naman ni Food and Drug Administration Director Charade Puno na December 2015 pa lang, alam na ng Sanofi Pasteur na hindi puwede ang Dengvaxia sa mga seronegative o mga hindi pa nagkaka-dengue.

"Sanofi... basically the admission that Dengvaxia is only for patients who already had dengue, they informed us very late," ani Puno.

Giit naman ng Sanofi Pasteur, hindi nila kailanman itinago ang epekto ng Dengvaxia sa mga hindi pa nagkaroon ng dengue.

Lumabas din sa pagdinig na 39 sa nabakunahan ang namatay pero di pa matukoy kung dahil ba talaga ito sa Dengvaxia.

Kinumpirma rin ng Philippine Children's Medical Center na mahigit 5,000 pulis ang nabakunahan ng Dengvaxia.

Sinabi naman ng hepe ng Philippine National Police na maging ang kaniyang kapatid ay nabakunahan kontra dengue.

"'Yong kapatid ko na deaf-mute, na-injection-an. Ang kapatid ko nagkakasakit every week," sabi ni PNP chief Director General Ronald "Bato" dela Rosa.

"Baka sabihin niyo na apektado na, wala pa. Mino-monitor lang namin."

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.