2 'most wanted' sa Maynila, arestado

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2018 05:38 AM

Arestado ang 2 itinuturing na "most wanted" sa Maynila matapos ang higit isang taon nilang pagtatago sa batas.

Natugis ng Manila Police District (MPD) Station 7 si alyas Monico Batol, ang number one most wanted person ng estasyon. 

Si Batol ang suspek sa pagpatay kay Darren Debuque noong Nobyembre 2016.

Posible umanong may kinalaman sa droga ang dahilan ng pamamaril ni Batol sa biktima.

"May utang siya. Naniningil. Baka hindi nagkasundo sa drugs," ani Senior Insp. Ness Vargas, tagapagsalita ng Abad Santos Police Community Precinct.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek.

Samantala, timbog naman ang number two most wanted ng MPD Station 3 sa Bambang, Sta. Cruz.

Hinuli si JR Bagamasbad sa bisa ng warrant of arrest sa kasong carnapping noong Disyembre 2016.

Todo tanggi naman ang suspek sa mga paratang laban sa kaniya. - ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.