Sundalo, sugatan sa engkwentro sa NPA sa Surigao del Norte

Charmaine Awitan, ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2017 03:14 PM

BUTUAN CITY - Sugatan ang isang sundalo matapos makaengkwentro ng mga tropa ng gobyerno ang ilang rebeldeng New People's Army (NPA) sa Surigao del Norte.

Nangyari ang bakbakan sa Barangay Tinago sa bayan ng Malimono.

Nakasagupa ng mga miyembro ng 30th Infantry Battalion ang 30 rebeldeng NPA kaninang alas nuebe y media ng umaga.

Nagsasagawa umano ng combat patrol ang mga sundalo sa lugar matapos makatanggap ng reklamo mula sa mga residente na may harassment at extortion activities umano dito.

Nagpasabog daw ng isang improvised explosive device ang mga rebelde na siyang ikinasugat ng sundalo.

Patuloy naman ang isinasagawang pursuit operation ng militar laban sa mga rebelde.

Tumindi ang labanan sa pagitan ng militar at mga komunistang rebelde mula ng matapos ang ceasefire at usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng National Democratic Front.