Southbound ng EDSA-Balintawak usad-pagong dahil sa ginagawang Skyway

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2020 08:55 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA – Sinalubong ng matinding trapiko ang mga motoristang bumabaybay ng EDSA southbound lane sa Balintawak area Miyerkoles ng umaga dahil sa ginagawang Skyway Stage 3 project.

Tumukod ang trapiko hanggang sa bahagi ng Monumento dahil sakop ng nasabing konstruksiyon ang dalawang lane ng EDSA malapit sa Clover Leaf kung saan may itatayong vertical bridge support para sa Skyway.

Dahil dito, inabisuhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga apektadong motorista na maghanap ng alternatibong ruta. Gayunpaman, marami pa rin sa kanila ang dumadaan sa EDSA partikular na ang mga galing sa CAMANAVA patawid ng Balintawak area.

Nakapuwesto ang mga tauhan ng MMDA at nagpapatupad ng stop and go sa pag-usad ng mga sasakyan paakyat sa Clover Leaf at yung galing ng Caloocan.

Maaring dumaan sa C3 Road, De Jesus Street o sa may Balintawak Interchange ramp ang mga motoristang nais na makaiwas sa trapiko.

Inaasahan namang tatagal ng 20 araw ang nasabing konstruksiyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.