Senior citizen, patay matapos magulungan ng dump truck sa CDO

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2020 02:06 AM

Patay si Eleazar Abalde, isang nagbibisikletang senior citizen sa Cagayan de Oro, matapos siya masagasaan ng isang dump truck sa lungsod Martes ng hapon. Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

CAGAYAN DE ORO—Patay ang isang nagbibisikletang senior citizen matapos siya masagasaan ng isang dump truck sa lungsod na ito Martes ng hapon.

Sa imbestigasyon, nagbibisikleta si Eleazer Abalde sa Sitio Balacanas sa Barangay Consolacion nang bumangga siya sa isang nakaparadang jeep, bago magulungan ng kasalubong na dump truck.

Dead on the spot ang biktima.

Ayon sa driver ng dump truck na si "Billy", mabilis ang pangyayari kaya hindi na niya naiwasan ang biktima at nasagasaan ito.

"Kahit anong gawin ko na pagpreno hindi ko na talaga siya maiwasan, kaya nasagasaan siya," aniya.

Ayon kay Patrolman Belboy Selgas ng Cagayan de Oro Police, bukod sa sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide si Billy, mananagot din ang driver ng nakaparadang jeep na si "Ramon" dahil ilegal itong nag-park sa lugar.

"Nakaharang kasi sa daan ang jeep. Kung hindi dahil sa kanya, hindi sana nabangga sa jeep ang matanda," ani Selgas.

Inamin naman ni Ramon na may pananagutan siya sa nangyari. Depensa niya, umuwi siya sa kanilang bahay dahil may kukunin na papeles at para mananghalian.

Plano ng dalawang driver na makipag-ayos sa pamilya ng biktima.

Paalala ng pulisya sa mga motorista sa lungsod, iwasan ang ilegal na pagparada ng sasakyan para maiwasan ang disgrasya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.