Nasa 30 tsuper, empleyado ng ALPS bus nagprotesta

ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2020 01:20 PM | Updated as of Feb 26 2020 01:21 PM

MAYNILA — Nagpiket ang mga driver at ilang empleyado ng ALPS The Bus, Inc. sa Quezon City dahil sa anila'y hindi patas na pagtrato sa kanilang mga manggagawa. 

Tatlong araw nang nagwewelga ang nasa 30 driver, kundoktor, at dispatcher ng ALPS sa terminal at garahe nito sa Cubao. 

Naghain na umano sila ng reklamo sa labor department ukol sa mababang pasahod, kawalan ng 13th month at overtime pay ng kompanya. 

"Walang 13th month, walang night differential, illegal deduction, hinahabol namin 'yung under payment," reklamo ni Leonel Viñas. 

Pero bilang parusa raw sa kanila ng management dahil sa labor complaint, tinanggalan sila ng mga biyahe. 

"Papabiyahihin lang kami kung kulang ang mga driver. 'Yung mga via Batangas naman tinanggalan ng piyesa 'yung mga bus nila para hindi sila makabiyahe," ayon sa isang empleyado na si Richard Origenes.

Bilang ganti naman, binarikadahan nila ang paradahan para hindi makalabas ang mga bus sa Cubao terminal. 

Nakausap ng ABS-CBN News ang isang kinatawan ng ALPS sa head office nito sa Batangas na tumangging magpabanggit ng pangalan.

Sinabi nito na ang mga nagpiket na driver ang nag-flat ng gulong ng mga bus at pinababa pa ang ilang pasahero upang magkaroon ng tigil-pasada. 

Wala raw permit ang kanilang rally. 

Mayroon din daw silang hawak na mga bank statement upang patunayang nagbibigay sila ng mga benepisyo sa mga manggagawa.


— Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.