Mahigit 600 gramo ng marijuana, nakumpiska sa Cagayan

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2020 01:46 AM

SOLANA, Cagayan — Arestado ang isang lalaki sa bayang ito matapos makumpiskahan ng ilegal na droga sa ikinasang search operation noong Linggo.

Ayon kay Police Capt. Jhun-Jhun Balisi, nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa ginagawang pagtutulak ng shabu ni Vicente Balubal na residente ng Barangay Centro Northwest.

Napatunayan umano ang sumbong nang halughugin ang kaniyang bahay kung saan narekober ang dalawang sachet na may lamang shabu.

Nakakumpiska pa ang awtoridad ng mahigit-kumulang 600 gramong marijuana na nakabalot ng diyaryo at packaging tape.

Hindi rin isinasantabi ng awtoridad na gumagamit si Balubal ng ilegal na droga kung ibabatay sa narekober na ilang drug paraphernalia.

Nasampahan na ang suspek ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.