7 timbog sa magkakahiwalay na buy-bust sa Makati

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2020 04:08 AM | Updated as of Feb 26 2020 11:39 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Anim na lalaki at isang babae na sangkot sa droga ang hinuli ng pulisya sa magkakasunod na buy-bust operation sa tatlong barangay sa Makati nitong Martes. 

Nakuhaan ng 6 gramo ng shabu ang mga target na sina alyas Ryan at alyas Carlito matapos ang buy-bust sa isang bahay sa Barangay Pio Del Pilar.

Ayon kay Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati Police, konektado sila sa drug group ng at-large na high-value target na si Michael Bagang. 

Kalilibing lang ng asawa ng target bago ang buy-bust. Aniya, nagtutulak siya para may panggastos. 

Tinanggi naman ng 4 na inaresto sa kasunod na buy-bust sa Barangay Cembo na sangkot sila sa bentahan ng droga. 

Aminado naman ang mga nahuling target na sina alyas Susan at alyas Rodel, pati sina alyas Gerans at alyas Nemesio na gumagamit sila ng shabu. 

Huling inaresto ang on-call waiter na si alyas Randy sa buy-bust sa Barangay Palanan. 

Ayon kay Simon, sinubukan pang ilipat ng suspek ang transaksyon sa lugar niya sa Pasay City para umano hindi siya mahuli ng pulis sa Makati. 

Sabi ng suspek, runner lang siya ng droga at hindi tulak. 

Tinatayang mahigit P72,000 ang halaga ng nasabat na hinihinalang shabu. 

Kakasuhan ang pito ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.