Duterte, posibleng magtakda ng pag-uusap sa MNLF

ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2019 11:29 PM | Updated as of Feb 26 2019 11:47 PM

MAYNILA - Kinuwento ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Martes ang pagkikita nila ni Moro National Liberation Front (MNLF) chairman Nur Misuari sa Malacañang.

Sa kaniyang talumpati sa League of Municipalities sa Manila Hotel, sinabi niyang nag-courtesy call si Misuari sa kaniya kahapon bago siya lumabas ng bansa para dumalo sa isang event.

Niyakap daw siya ni Misuari nang batiin siya at sinabi nito na handa itong makipag-usap sa gobyerno.

Dagdag ni Duterte, panahon na rin para magkaroon ng bagong kasunduan sa MNLF at posibleng magtakda sila ng pag-uusap muli sa pagbalik ni Misuari sa bansa.

Okay na raw siya sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at MNLF at ang sunod naman niyang sosolusyunan ay ang problema sa Abu Sayyaf at ISIS.

Aniya, huwag siyang takutin ng Abu Sayyaf dahil gusto na rin naman daw niyang mamatay.

Ayaw daw niya mapunta sa langit dahil ang mga magagandang babae raw, katulad ng mga nasa disco, ay mahahanap sa impiyerno.

Handa rin siyang harapin si Satanas at sasampalin pa niya ito.

Hindi rin nakaligtas sa mga banat ng Pangulo ang Simbahang Katolika at nagpakita muli siya ng isang matrix ng mga umano’y relasyon ng mga pari.

Inabsuwelto naman ni Duterte ang mga madre na tinawag niyang malilinis at mga relihiyoso.

Samantala, binanatan din ng Pangulo sa kaniyang talumpati ang isang telecommunications company dahil sa hindi umano magandang serbisyo.

Sinabi rin niyang handa siyang tumanggap ng Rohingya refugees.

Sa usapin naman ng politika, inendorso muli ni Duterte ang manok niya sa pagka-senador at maging si Mocha Uson sa pagka-kongresista.

Ipinagtanggol din niya si Uson sa mga bumabatikos sa kaniya at sinabing walang masama sa pagiging dancer niya.

Sa kabilang banda naman, kinuwestiyon niya ang degree ni Mar Roxas sa Wharton School na tumatakbo sa senatorial elections.

Pagdating naman sa susunod na pangulo, sinabi niya dapat ang isunod raw sa kaniya ay isang Marcos pero may term limit. - ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.