Rider namaril ng truck driver dahil sa putik

ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2020 05:06 PM | Updated as of Feb 25 2020 06:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaghahanap na ng Quezon City police ang isang motorcycle rider na bumaril at pumatay sa isang truck driver matapos umano itong matilamsikan ng putik.

Binaril ng suspek si Ranulfo Nesperos matapos siyang matilamsikan ng putik habang nagtatalo sila ng biktima noong Pebrero 20 sa Barangay Nagkaisang Nayon sa Novaliches, ayon kay Maj. Elmer Monsalve, hepe ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit.

Dead on the spot umano si Nesperos sa 6 na tama ng bala sa katawan.

Mapapanood sa kuha ng CCTV sa insidente na tinangka pa ng suspek na tumakas gamit ang motorsiklo pero dahil hindi na niya magamit, tinanggal na lang niya ang plaka nito saka umalis sa pinangyarihan ng krimen.

Nakatakas naman ang pahinante ng truck, na naglarawan sa mga pulis sa hitsura ng suspek sa composite sketch.

Nanawagan si Monsalve sa suspek – na kilala na umano nila – na sumuko.

Katarungan naman ang hiling ng pamilya ng biktima, na nakaburol ngayon sa Quezon province.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.