Pagtaguyod sa press freedom panawagan sa paggunita ng EDSA Revolution

ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2020 08:26 PM | Updated as of Feb 26 2020 08:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Pagtaguyod sa press freedom, o karapatan sa malayang pamamahayag ang pangunahing ipinanawagan sa paggunita sa ika-34 anibersaryo ng EDSA Revolution - na kinilala sa mapayapang pagbawi ng demokrasya sa bansa. 

Partikular na ipinanawagan dito ang pag-renew sa prangkisa ng ABS-CBN, na mapapaso pagdating ng Mayo kapag hindi pa ito naaprubahan. 

Sakaling mapaso ang prangkisa at masara ang giant network, nababahala ang ilang eksperto at politiko sa umano'y malaking dagok sa demokrasya ng bansa. 

Sa paggunita ng EDSA Revolution sa People Power Monument, sinabi ng mga dating senador na sina Rene Saguisag at Serge Osmeña at ni dating bise presidente Jejomar Binay na nababahala sila sa mistulang hakbang na patayin ang kalayaan sa pagsasalita at pamamahayag. 

"Nangyari sa 1972, 'yong tinanggal ang ABS-CBN at binigay kay Benedicto, sabi ko 'pareho na naman ito', itatanggal kay Lopez at ibibigay kung kani-kanino dyan na bata nila," ani Osmeña. 

"Ayaw na, na magkaroon ng isang ABS-CBN na nagpapakita na may freedom of the press, eh kung ano-ano pa sinasabi, ito raw ay may investor na foreigner, eh, may batas na pumapayag doon, pero pinipilit na baligtarin, baligtad na pagdating sa interpretasyon sa tamang batas," ani Binay. 

Pawang mga miyembro ng August Twenty One Movement (ATOM) sina Osmeña, Binay at Saguisag. 

Anila, mahalaga ang tungkulin ng mga nakatatanda, mga guro, at mga manunulat na itama at ipakalat ang pagmamalabis sa karapatan ng mga Pilipino noon para ipamulat na hindi sagot ang karahasan at kamay na bakal sa mga problema ng bansa. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Noong Batas Militar, maalalang inutos ni dating Pangulo at diktador Ferdinand Marcos Sr. sa militar na mamuno sa mga pahayagan, magazine at radio at TV station para umano maiwasang magamit ito sa mga propagandang sisira sa gobyerno. Isinara roon ang 11 pahayagan, kabilang ang ABS-CBN. 

Sa bisa ito ng Letter of Instruction No. 1 na inilabas ni Marcos sa pagsisimula ng Batas Militar. 

Inaresto ang ilang personalidad kagaya nina Teodoro Locsin Sr., Manila Times publisher Chino Roces, at Geny Reyes ng ABS-CBN na nakulong sa loob nang limang taon. 

Ibinaba rin ang ilang kautusan para makontrol ang media, gaya ng pagkansela sa prangkisa at permit ng mga itinuring na kalaban ng pamahalaan. 

Para kay dating Department of Social Welfare and Development Secretary Dinky Soliman, maihahambing sa Batas Militar noon ang nangyayari dahil sa banta ng pagsasara sa ABS-CBN.

"Kung di mo ibibigay, iko-quo warranto ka, kakasuhan ka parang [si] Marcos noon, kaya ang mamamayan noon nagsasabi demokrasya pa rin ang nakikitang paninidigan ng mamamayang Pilipino," ani Soliman. 

Pero naniniwala ang ilan na patuloy pa ring tinatamasa ngayon ng bansa ang demokrasya at kalayaan. 

Halimbawa anila ang naging pagdinig sa Senado tungkol sa mapapasong franchise ng network. 

"Ang gobyerno natin nagiging moderno... 'Yan ang bunga ng EDSA, ang katotohanan ay nasa kamay ng bawat mamamayan," ayon kay dating senador Heherson Alvarez. 

Para naman kay Department of the Interior and Local Government Undersecretary Martin Diño, walang pamamaraan noong Batas Militar para dinggin ang isang pinasasarang kompanya. 

"Umiiral ang demokrasya, nagsalita ang ABS-CBN pinag-usapan sa senado, pag-uusapan pa sa Kongreso… Noong time na 'yon pag gusto isara yung kompanya mo, walang Senado para pag usapan," ani Diño. 

Sa huli, nanawagan ang EDSA People Power Commission na magkaisa ang bansa na maging positibo para sa pagbabago. 

"By being more constructive. Filipinos sometimes tend to put people down, thats what we have to try to reverse," ayon kay EPPC commissioner Joey Concepcion. -- Ulat nina Ron Gagalac, Ina Reformina, at Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.