Lalaking lasing patay nang maiwan sa nasusunog na bahay

Cheche Diabordo, ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2020 06:25 PM

DAVAO CITY - Patay ang isang 63 anyos na lalaki nang hindi ito makalabas sa nasusunog niyang bahay Lunes ng madaling araw sa Purok 8, Sitio Quibaton, Barangay Dominga, Calinan, Davao City.

Natagpuan na lamang ng mga residente at mga awtoridad ang halos kalansay at hindi na makilalang labi ni Eduardo Teves sa nasunog niyang bahay.

Kuwento ng kaniyang kapatid na si Jonathan, lasing umano ang biktima noong Linggo ng hapon.

Inihatid pa ng kaniyang mga anak sa bahay nito ang biktima na nag-iisang nakatira roon.

Aniya, nagpaluto pa ng pagkain sa kaniyang mga pamangkin at kumain ng hapunan ang biktima bago ito naiwang mag-isa. 

"Posibleng hindi nailigpit nang maayos ang pinaglutuang kahoy at dahil gawa sa light materials ang bahay, mabilis na kumalat ang sunog, at hindi na nakalabas pa ang biktima dahil siguro sa nakatulog na ito sa sobrang kalasingan," ayon kay Police Maj. Arquiomedes Wesley, Station Commander ng Calinan Police Station.

Patuloy din ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection sa sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.