Ikalawang kargador pumanaw ilang araw matapos mabagsakan ng sako-sakong asukal sa N.Occidental

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2020 05:43 PM | Updated as of Feb 25 2020 06:13 PM

Isa pang kargador ang pumanaw Martes matapos siya mabagsakan ng sako-sakong asukal sa isang milling company sa Victorias City, Negros Occidental noong Biyernes.

Kinilala ang nasawi na si Ian Malana, 43. Nauna siyang naiulat na kasama sa tatlong sugatan noong bumagsak sa kanila ang sako-sakong asukal sa storage area ng Victorias Milling Co.

Nabali ang mga paa ni Malana nang madaganan siya ng mga sako, bago siya pumanaw. 

Noong Biyernes, namatay ang kasama niyang si Rico Segurida, 41, isang ring kargador, habang nasa ospital pa ang isa pang nasugatan na kasamahan na si Roland Romalis.

Ang tatlong kargador ay mga empleyado ng contractor ng milling company.

Naniniwala ang pulisya na bumigay ang pundasyon ng nilalagyan nila ng mga sako-sakong asukal kaya bumagsak ang mga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.