Ilang senador binatikos ang pahayag ni Duterte ukol sa Chinese workers

ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2019 07:49 PM

Umani ng batikos mula sa ilang mga senador ang pahayag kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa isyu ng mga Chinese na ilegal na nagtatrabaho sa bansa.

Sinabi ni Duterte sa isang talumpati sa Laguna noong Sabado na dapat maghinay-hinay sa pagpapa-deport o pagpapalayas ng mga manggagawang Chinese sa Pilipinas lalo at marami ring Pinoy ang nagtatrabaho sa China.

Pero ayon kay Sen. Joel Villanueva, mahalaga ang pagpapatupad ng sariling batas ng bansa para maprotektahan ang mga manggagawa rito, mapa-Pinoy man o banyaga.

"This is a matter of enforcing our own rules and regulations, not just for the protection of jobs for Filipinos but also the protection of the rights of the workers regardless of nationality," sabi ni Villanueva sa isang pahayag. 

"If you are illegal, you have no right and you are not protected by laws," dagdag ni Villanueva.

Dapat din daw tulungan na lang ng gobyerno ang mga Pinoy na ilegal na nagtatrabaho sa ibang bansa na maging legal.

"There are illegal Filipino workers abroad and we should aim to help them become legal workers," ani Villanueva.

Para naman kay Sen. Panfilo "Ping" Lacson, sundin dapat ang batas at dapat walang kikilingan.

Kung ilegal na nagtatrabaho rito, i-deport agad para hindi maagawan ng trabaho ang mga Pinoy.

"We have immigration laws to obey and adhere," sabi ni Lacson sa pahayag.

"I would rather that we give premium to Filipino workers by deporting foreign nationals illegally working here, and worse, taking away scarce job opportunities from our own countrymen," aniya.

Sang-ayon din si Senate President Tito Sotto na basta labag sa batas ay bawal.

"Deportation is a consequence if laws are violated by foreigners," ani Sotto.

Ayon naman kay Sen. Francis "Kiko" Pangilinan, hindi raw dapat matakot ang administrasyon sa Tsina gayong maraming Chinese ang ilegal na nagtatrabaho rito.

"Mga iligal na droga galing China, wala tayong imik. Mga iligal na pananakop sa ating karagatan, wala tayong imik. Mga iligal na Chinese workers, wala pa rin tayong imik. Tama ba 'yun? Hindi tayo dapat pumayag na hawak tayo sa leeg ng China at gobyerno," sabi pa ni Pangilinan.

MASUSING IMBESTIGASYON BAGO MA-DEPORT

Sinabi naman ni Immigration Spokesperson Dana Sandoval na sumusunod naman sila sa direktiba ng pangulo at masusi munang nag-iimbestiga bago magpa-deport ng mga ilegal na manggagawa.

"We do not arrest aliens arbitrarily," ani Sandoval.

Sa datos ng Bureau of Immigration (BI), sa 611 illegal aliens na na-deport noong 2018, 284 dito ay mga Chinese.

Sa higit 533 naarestong illegal aliens naman noong 2018, 393 rito ay Chinese.

Nagkasa na ang Senado ng imbestigasyon sa pagdami ng mga manggagawang Chinese sa Pilipinas.

Inaalam sa imbestigasyon kung ang mga trabaho bang pinapasukan ng mga Chinese ay mga trabahong kaya namang gampanan ng mga Pinoy. 

-- May ulat nina Doris Bigornia at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.