7 umano'y miyembro ng 'baklas bubong' gang patay sa engkuwentro

ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2019 07:47 AM | Updated as of Feb 25 2019 07:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

AGONCILLO, Batangas (UPDATED) — Patay ang 7 lalaking hinihinalang sangkot sa serye ng pagnanakaw matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis dito, Lunes. 

Nakasakay sa van ang mga suspek na umano'y miyembro ng "baklas bubong" gang nang banggain nila ang checkpoint sa karatig-bayan ng Laurel, dahilan para habulin sila ng mga pulis, sabi ni Batangas police chief Senior Superintendent Edwin Quilates. 

Nauwi ang habulan sa engkuwentro sa Laurel-Agoncillo Road, Barangay Banyaga sa Agoncillo, kung saan napatay ang mga suspek pasado alas-4 ng madaling-araw. 

Una nang tiniktikan ng mga awtoridad ang grupo matapos maplakahan ang kanilang van sa CCTV footage ng ilang insidente ng pagnanakaw. 

Modus umano ng grupo na baklasin ang bubong ng mga establisimyento na kanilang nilolooban. 

Natagpuan sa van ang 5 baril, 7 bonnet, mga pares ng gloves, roof cutter at lubid.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga lalaki.

-- Ulat nina Kevin Dinalgasan Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.