Lalaki patay sa banggaan ng tricycle, truck sa Legazpi City

ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2020 03:47 PM | Updated as of Feb 24 2020 07:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patay ang isang lalaki habang 3 iba pa ang nasugatan matapos banggain ng isang truck ang sinasakyan nilang tricycle sa Legazpi City noong gabi ng Linggo.

Kabilang sa mga nasugatan sa insidente – na nangyari ilang minuto bago mag-alas-11 ng gabi sa Rizal Street – ang kinakasama ng nasawi, ang sanggol na anak nito, at ang driver ng tricycle.

Nagkamali sa pag-overtake ang truck kaya nabangga ang tricycle, ayon kay Senior Master Sergeant Henry Mirafuentes, imbestigador mula sa Legazpi City Police Staton.

Sinubukan sanang tumakas ng truck driver pero nahuli rin matapos sundan ng ilang motorista.

Tumanggi ang driver ng truck na magbigay ng pahayag pero sinabi raw niya kay Mirafuentes na may iniwasan siyang motorsiklo kaya nabangga ang tricycle.

Desidido ang pamilya ng nasawing lalaki na kasuhan ang driver ng truck ng reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injury, at damage to property. -- Ulat ni Thea Omelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.