Babae patay sa pananaksak ng guwardiya

ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2020 05:26 PM | Updated as of Feb 25 2020 06:40 PM

Arestado ngayong Lunes ang isang security guard na umano ay pumatay sa isang babae sa Kawit, Cavite matapos tanggihan ng biktima ang kanyang pag-ibig.

Naaresto ang suspek na si Reggie Boy Estabillo sa isang ginagawang subdivision sa bayan ng Tanza, 3 araw matapos umano niyang patayin sa saksak ang 29 anyos na si Sarah Kaye Mindo.

Natagpuan noong umaga ng Biyernes sa loob ng kaniyang bahay sa subdivision sa Kawit ang bangkay ni Mindo, na tadtad ng mga saksak sa iba-ibang bahagi ng katawan at walang saplot pang-ibaba.

May isang testigong nakakita kay Estabillo na tumalon mula sa ginagawang bahay sa likod ng bahay ng biktima para tumakas. Nakunan din ang pagtakas ng suspek ng CCTV.

Umamin si Estabillo sa pagpatay sa biktima, na nakatira sa subdivison na binabantayan ng suspek bilang guwardiya.

Kakausapin lang daw sana niya si Mindo para ihayag ang kaniyang pag-ibig pero tinanggihan umano siya at nanlaban ito.

Inamin din ni Estabillo na gumagamit siya ng shabu.

Itinanggi naman ng suspek na ginahasa niya ang biktima. Hinihintay pa ng mga awtoridad ang resulta ng autopsy na isinagawa sa bangkay para malaman kung ginahasa ito.

Kasong robbery at murder ang isinampa laban sa suspek.

Nakatakda namang iuwi sa Martes sa Romblon ang labi ng biktima. -- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.