Alkalde ng Iligan City at consultant, inireklamo ng pambubugbog

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2020 11:16 PM

ILIGAN CITY - Inireklamo ng isang 59 anyos na kawani ng city hall si Iligan City Mayor Celso Regencia at ang consultant nitong si retired Police Col. Leony Roy Ga dahil sa umano'y pananakit ng dalawa sa kaniya noong February 14.

Ayon sa nagreklamong si Norbel Romarez, ipinatawag umano siya at ang mga kasama sa opisina ng alkalde pero pinaiwan siya nang araw na iyon.

Kuwento pa ni Romarez, sinuntok siya ni Regencia sa sikmura at dibdib. Binatukan rin umano siya ni Ga.

Nilagyan din umano ng masking tape ang kaniyang bibig at nakita niyang kumuha si Regencia ng baril. 

“Akala ko di na talaga ako makakalabas dun ng buhay,” aniya.

Inamin ni Regencia na napingot niya sa tenga si Romarez pero itinanggi niya ang ibang mga paratang nito.

Nadiskubre umano kasi nila na sinasadya ni Romarez na ilabas sa creek na konektado sa Dodiongan Falls ang leachate ng basura mula sa catch basin ng Central Materials Recovery Facility kung saan siya naka-assign. 

“Pananabotahe ito para kasuhan ako at ang LGU ng negligence ng Environmental Management Bureau. Pamumulitika ito,” ani Regencia.

Ayon naman kay Romarez, sinunod lang niya ang utos sa kaniya ng kanilang foreman.

Sagot naman kay Regencia, may mga patunay na hindi ito inutusan. Balak rin ni Regencia na kasuhan si Romarez.

Sinampahan ni Romarez si Regencia ng reklamong grave coercion, grave physical injuries, at kidnapping.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.