Pagkuha sa Pantawid Pasada cards hanggang Pebrero 28 na lang: LTFRB

ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2019 03:50 PM

Pantawid Pasada cards na ipinamamahagi bilang fuel subsidy sa mga tsuper at operator ng mga pampasaherong jeep. Mark Demayo, ABS-CBN News

Inanunsiyo ngayong Linggo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hanggang Huwebes, Pebrero 28 na lang maaaring kuhanin ng mga operator at driver ng mga pampasaherong jeep ang kanilang Pantawid Pasada Fuel Cards.

"Huling [linggo] na ng pamimigay ng fuel cards ngayong Pebrero kaya hinihikayat namin ang mga operator-drivers na nakapangalan ang prangkisa na i-claim na ang inyong cards sa mga itinakdang schedule at lugar," sabi ng LTFRB sa isang Facebook post.

Mula Pebrero 25 hanggang 28, puwedeng kuhanin ng mga operator at tsuper ang kanilang fuel subsidy sa tanggapan ng Land Transportation Office sa East Avenue, Quezon City mula alas-9 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, ayon sa LTFRB. 

Para raw sa mga taga-ibang rehiyon, maaaring makipag-ugnayan sa pinakamalapit sa LTFRB Regional Office.

Ang Pantawid Pasada ang ayuda ng gobyerno para makaagapay ang mga tsuper at operator ng mga pampasaherong jeep sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa pagdinig ng Senado noong Disyembre sa 2019 budget ng Department of Transportation, natuklasang 69,000 benepisyado pa lang mula sa kabuuang 171,000 ang nakakukuha ng kanilang Pantawid Pasada cards.

Noong nakaraang taon, P5,000 ang fuel subsidy na natanggap ng mga benepisyado ng Pantawid Pasada.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.