Suspek sa Kuwait 'freezer slay,' nadakip sa Lebanon: DFA

ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2018 01:37 AM | Updated as of Nov 11 2019 03:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa kustodiya na ng mga awtoridad sa Lebanon ang isa sa mga suspek sa brutal na pagpatay kay Joanna Demafelis, ang overseas Filipino worker (OFW) na natagpuang nakasilid sa freezer sa Kuwait. 

Naaresto si Nader Essam Assaf, ang Lebanese na employer ni Demafelis, noong Huwebes. 

Ito ang inanunsiyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) Biyernes ng gabi matapos matanggap ang balita mula sa embahada ng Pilipinas sa Kuwait.

Ayon kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, ipinaalam na niya kay Pangulong Rodrigo Duterte ang balita.

"The President welcomes the news that Nader Essam Assaf is now in the hands of authorities in Lebanon,” ani Cayetano.
    
Ang asawa naman ni Assaf na si Mona, isang Syrian, ay pinaghahanap pa rin.
    
Inaasahan ni Cayetano na hihilingin ng Kuwaiti government ang extradition ni Assaf upang doon humarap ng paglilitis. 

Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang pamilya Demafelis sa Iloilo.

OFW na napaulat na 'comatose' sa Kuwait, umuwing ligtas

Samantala, magandang balita rin ang tinanggap ng pamilya ng OFW na si Noriza Manambit.

Nakauwi si Manambit sa Pilipinas mula Saudi Arabia nitong Biyernes ng umaga. 

Nag-viral kasi ang isang retrato kung saan makikita ang isang babaeng nakaratay sa ospital sa Kuwait at sinasabing "comatose." Nakasaad pa sa post na ito ay si Manambit.

Pero aniya, hindi pa siya nakatutuntong sa Kuwait, at biktima lang siya ng pekeng impormasyon sa social media.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.