Mga 'palpak' sa record ng Pag-IBIG Fund, inireklamo

ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2018 04:16 PM | Updated as of Nov 12 2019 03:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Problema sa hulog sa Pag-IBIG Fund ang sentro ng dalawang reklamo na tinutukan ng "Tapat Na Po."

Dismayado si Dolores Dy nang matuklasan na nasa 49 lang ang kaniyang monthly contributions sa Pag-IBIG sa kabila ng mahabang panahon ng pagtatrabaho.
    
Mula 1985 hanggang 2016 nagtrabaho si Dy, kabilang na sa Department of Trade and Industry-Region 8, kaya't hindi raw uubrang wala pang 50 monthly contributions ang nasa record niya.

"Mantakin niyo, ang tiniis kong kaltas noon? Ang liit lang ng sinusuweldo ko noon tapos ganiyan pa ang mangyayari. Wala na akong trabaho ngayon so 'yun lang talaga ang aasahan ko pagdating ng araw," hinaing ni Dy.

Nang hinanapan ito ng patunay gaya ng kaltas sa suweldo sa payslip, walang maipakita si Dy dahil binaha umano sila nang nanalasa ang bagyong "Ondoy" noong 2009.

Problema sa 'posting'

"Posting" naman ng nai-remit na kontribusyon sa Pag-IBIG ang reklamo ng overseas Filipino worker (OFW) na si Rodolfo Pangilinan.

Aniya, noong nakaraang taon pa siya naghulog ng aabot sa P1,800 pero hanggang ngayon, hindi raw nagre-reflect sa online record niya ang nasabing halaga.

"Ang hiling ko po sa Pag-IBIG sana maging tapat sila. Kumbaga ma-consolidate nila 'yung aking contribution. Gusto kong malaman kung magkano na ang naihulog ko sa kanila sa loob ng higit sampung taong pagtatrabaho," ani Pangilinan. 

Dinulog ng Tapat Na Po sa Pag-IBIG Fund ang mga problema.

Sa kaso ni Pangilinan, kasunod ng verification, kompleto naman ang record niya kabilang na ang naihulog mula Abril hanggang Disyembre 2017.
    
May limitasyon lang daw sa online system kaya di niya ito makikita.
    
Sa kaso naman ni Dy, lumilitaw na nasa 88 buwan ang kaniyang kontribusyon pero kailangan niyang magsumite ng ilang dokumento galing DTI para maisali ito sa kaniyang opisyal na tala.
    
Sa mga nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng Tapat Na Po.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.