ALAMIN: Saklaw ng batas ukol sa carnapping

ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2018 05:18 PM

Maaaring kasuhan ang sinumang mapapatunayang tumangay ng sasakyan na hindi niya pag-aari.

Ngunit, depende sa motibo sa pagkuha ng sasakyan, maaaring mag-iba ang kasong puwedeng isampa laban sa suspek. 

Tinalakay ito sa programang "Usapang de Campanilla" nitong Biyernes.

Iniugnay ang diskusyon sa insidente ng isang drayber na tumangay sa kotse ng kaniyang amo. 

Kinasuhan ng carnapping at theft ang drayber na si Gary Bunag, na tinangka pa umanong isangla ang sasakyan sa social media sa halagang P500,000.

Ayon sa abogadong si Claire Castro, maaaring sampahan ng kasong carnapping ang isang tao na nagnakaw ng kotse kung mayroon itong intensiyong pansarili.

"Una, kinuha niya without any consent, wala siyang authority. Pangalawa, balak niyang isangla, so ibig sabihin, mayroon na siyang intent to gain," paliwanag ng abogado.

"Pag may intent to gain ka, kinuha mo 'yung sasakyan na hindi iyo without the consent of the owner, maliwanag na carnapping," dagdag ni Castro.

Ayon pa sa abogado, kahit na ibinigay umano ng amo ang susi ng sasakyan sa kaniyang drayber, maaari pa ring kasuhan ito kung hindi na nito isinauli ang kotse.

Maaari rin daw kasuhan ng carnapping kung kinuha o pinakopya ng drayber ang susi ng sasakyan lingid sa kaalaman ng kaniyang amo.

Samantala, kung kinuha ng drayber ang sasakyan para lang ipasyal ang anak ngunit isinauli din ito, hindi umano ito maituturing na carnapping dahil walang intensiyong pansarili.

"Iyung carnapping wala, puwede siguro unjust vexation. It's a different case. Damages," ani Castro.

Paliwanag pa ni Castro, magkasabay na isinasampa ang kasong carnapping at theft para hindi makalusot ang suspek sa krimen na ginawa nito.

"Pag nag-penalty sa isa, at na-convict sa isa, hindi na puwede mag-probation, kasi dalawa na," paliwanag ng abogado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.