Umano'y pekeng seller ng face mask sa Davao City timbog

ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2020 03:56 PM

DAVAO CITY — Arestado ang isang 24 anyos na babaeng nagbebenta umano ng murang face mask pero wala namang produktong ibibigay kapag nabayaran na.

Sa isang entrapment operation ng Davao City Police Office (DCPO), nadakip ang suspek matapos tumanggap ng P100,000 na boodle money.

Nakumpiska mula sa kaniya ang ilang medical supplies, transaction receipt, at cash na nagkakahalaga ng P777,000.

Ayon sa DCPO, um-order ang complainant ng 250,000 pirasong face mask at nagbayad ng P197,000 sa suspek.

Pero hindi tumupad sa usapan ang suspek. Sa halip kasi na i-deliver ang items sa napagkasunduang petsa, humingi pa ito ng dagdag na P100,000 sa biktima.

Nagpakilala pa umano ang suspek na pamangkin ni Tagum City Mayor Allan Rellon at matalik na kaibigan ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Nanawagan ang DCPO sa ibang nabiktima ng suspek na maghain ng reklamo.

Maliban sa swindling, pinag-aaralan pa ngayon ng DCPO ang ibang kaso na maaaring isampa sa suspek.

—Ulat ni Andoreena Causon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.