Honda workers nagprotesta vs biglaang pagsasara ng Laguna factory

ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2020 05:00 PM | Updated as of Feb 23 2020 06:54 PM

MAYNILA (UPDATE) — Nagprotesta ngayong Linggo ang mga empleyado ng Honda Cars Philippines Inc. matapos biglang ianunsiyo ng kompanya ang shutdown ng factory nito sa Santa Rosa, Laguna.

Suot ang mga puting damit, nagtipon-tipon sa loob ng pagawaan ng Honda ang higit 300 empleyado ng kompanya para kondenahin ang biglaang anunsiyo ng tigil-operasyon ng factory simula Marso.

Iginiit ng mga manggagawa na binigla sila noong Sabado nang ianunsiyo umano sa pamamagitan ng isang video call mula sa opisyal ng Honda ang shutdown.

Ayon kay Christopher Oliquino, tagapamuno ng RF Union of Honda Employees, maghahain sila ng kaso lalo at ayaw silang harapin ng mga namumuno sa kompanya para paliwanagan sa pagpapasara.

Nanindigan din ang mga empleyado na mananatili sila sa loob ng pagawaan, ayon kay Oliquino.

Masama ang loob ni Omie Baterina sa nangyari.

Ikinuwento ni Baterina, na 28 taon nang empleyado ng Honda, na noong nakaraang taon, nauwi sa isang model na lang ng kotse ang ginagawa sa assembly plant ng Honda.

Nagbawas rin umano ng ginagawang units mula 35 na naging 18 kada araw pero wala naman daw binanggit na closure sa kanila.

Haka-haka lang ang dahilan na nalulugi ang kompanya kaya magsasara, ayon sa mga manggagawa.

Hindi rin umano dapat maging dahilan ng shutdown ang mas murang costs sa pag-import ng sasakyan.

Nakiisa din sa protesta ang iba pang mga empleyado, kanilang mga kaanak, at labor groups, na pumuwesto sa labas ng factory.

Tiniyak naman ni Trade Secretary Ramon Lopez na makikipagpulong sila sa Honda sa Lunes para mapag-usapan ang iba pang alternatibong hakbang.

Nanawagan naman ang grupong Defend Jobs Philippines na magsagawa ng imbestigasyon ang Department of Labor and Employment ukol sa biglaang pagsara ng Honda.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.