Gov’t agency may mga benepisyo para sa naaksidente, nagkasakit sa trabaho

ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2020 03:42 PM | Updated as of Feb 23 2020 06:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Tatlong taong nagtrabaho bilang machine operator sa isang printing press si Neil Peña. Natigil siya nang maaksidente at kinailangang putulin ang 4 na daliri sa kaniyang kanang kamay.

“Pag-ano ko nung machine, na-outbalance ako and then ‘yong kamay ko, nasubo sa gear,” kuwento ni Peña.

“Napanghinaan ako ng loob kasi ibig sabihin, mawawalan ako ng trabaho,” aniya.

Nahirapan umano si Peña na makahanap ng bagong trabaho pero dahil sa benepisyong natanggap mula sa Social Security System (SSS) at Employees’ Compensation Commission (ECC), nakapagtayo siya ng karinderya, na ngayo’y 5 taon na niyang hanapbuhay.

Binigyan din ng ECC si Peña ng libreng prosthesis o artipisyal na kamay.

Ang aksidente sa kamay dahil sa paggamit ng makina – gaya ng naranasan ni Peña – ay nangunguna sa mga kaso ng occupational injuries o mga pinsalang natatamo ng mga manggagawa sa kanilang pinagtatrabahuhan.

Bukod sa benepisyo mula sa SSS at GSIS, may benepisyo pang makukuha ang mga manggagawang nagkasakit o naaksidente sa trabaho mula sa ECC na kadikit ng Department of Labor and Employment.

“Ang mandato naming ay to provide package of benefits for workers who met work-related contingencies,” ani ECC Executive Director Stella Zipagan-Banawis.

Kapag napatunayang may kinalaman sa trabaho ang aksidente at pagkakasakit, maaaring makinabang ang empleyado sa mga benepisyo mula sa ECC gaya ng physical therapy at counseling, medical appliances, skills at livelihood training, allowance, at livelihood starter kit.

Kailangan lamang magsumite sa ECC ng mga dokumentong nagpapatunay na work-related ang isang aksidente o sanhi ng sakit.

“They (ECC personnel) will evaluate and they [will] compute kung magkano iyong makukuha mo para ma-approve ‘yong claim,” ani Banawis.

Noong nakaraang taon, nasa 20 porsiyento lang ng may mga work-related sickness at disability claims ang nag-apply ng karagdagang benepisyo sa ECC ayon sa ahensiya. -- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.