SSS benefit inabot ng 4 taon bago naibigay sa pamilya

ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2019 05:30 PM | Updated as of Feb 23 2019 05:31 PM

Apat na taon nang naghihintay ang isang pamilya para sa disability benefit mula sa Social Security System (SSS).
    
Ayon kay Eda de Asis, misis ng namayapang SSS member, pabalik-balik daw sila sa tanggapan simula pa 2015 para lang makuha ang benipisyo.

Bago kasi namatay ang mister niya noong 2015, na-stroke ito at naghain ng disability claim.

Nakuha na nila ang death claim at burial benefit sa SSS pero sinabihan silang paplantsahin pa muna ang disability benefit. 

"Follow up kami nang follow up... Magpapadala daw sa post office, dun na lang daw antayin, pagpunta namin wala naman," hinaing ng ginang. 

Nangungutang din sila ng pamasahe sa tuwing nagpa-follow up ng benipisyo sa SSS.

"Dapat sinabi nila kung wala para di na kami umasa," aniya. 

Idinulog ng "Tapat Na Po" sa SSS main office ang problema ni De Asis at doon natunton ang ugat ng problema. 

"Kasi may multiple SSS number siya. Inayos pa rin natin 'yung numero na nakita nating may discrepancy dun sa date of birth," paliwanag ni Luisa Sebastian, tagapagsalita ng SSS. 

Noong Biyernes, pagkatapos ng apat na taon, nai-turnover na sa wakas kay De Asis ang kaniyang tseke.

Muli namang nagpaalala ang SSS sa mga miyembro na ayusin ang record para hindi magkaproblema kapag mag-aavail na ng benipisyo.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng "Tapat Na Po." 

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.