PH Air Force, nagsagawa ng water drop sa forest fire sa Itogon

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2019 09:46 PM

Nagsagawa ng water drop ang Philippine Air Force sa forest fire sa bayan ng Ampucao, Itogon nitong Sabado.

BAGUIO CITY - Nagsagawa ng water drop ang 505th Search and Rescue ng Philippine Air Force sa forest fire sa bayan ng Ampucao, Itogon, Benguet nitong Sabado.

Sumiklab ang sunog noong Martes sa bahagi ng Philex mines sa bayan at hindi pa tiyak kung kailan ito maaapula.

Hiniling ng Office of Civil Defense office ng Cordillera na gawin ang water drop sa mga parte ng bundok na hindi maabot ng mga bombero dahil matarik at wala nang kalsada kung nasaan ang sunog.

Pinangangambahan itong umabot hanggang sa komunidad dahil malapit na ito sa eskuwelahan at ilang mga tahanan.

Iniiwasan din itong umabot sa fuel depot ng Philex Mines.

Nitong Huwebes, nasawi ang apat na forester at isang residente dahil sa forest fire.

Kasalukuyan ding may forest fire sa iba pang lugar ng Benguet, kabilang sa Bokod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.